Pamimigay ng food packs, idinaan sa 'honesty relief station' sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 12:39 AM | Updated as of Apr 16 2020 01:52 AM

Larawan mula kay Zulkifle Mohammad Pak

SULTAN KUDARAT, MAGUINDANAO - Idinaan sa konseptong “honesty relief station” ang pamamahagi ng food packs sa mga residente sa Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Inilagay ng pamilya ni Zulkifle Mohammad Pak ang relief packs sa upuan na nasa gilid ng kalsada sa kanilang barangay.

Walang nagbabantay pero may nakapaskil na mensaheng nagsasabing maaaring kumuha ng isang pack ang kada pamilyang wala nang maisaing.

“Kagustuhan lang na tumulong for less fortunate as Islam taught us and gusto ko lang i-practice ang honesty kaya naisip ko yun,” sabi ni Zulkifle.

Mahigit isang linggo na ang pamamahagi ng relief packs ng pamilya para sa mga residenteng pinaka-apektado ng community quarantine sa kanilang lugar.

Kada dalawang araw, nasa limang sako ng bigas umano ang kanilang nare-repack.

Kada sako ng bigas ay katumbas ng 25 relief packs na may kasama pang daing at mongo.

“Kung hindi pa pagod pagkagaling ng trabaho, nagre-repack kami. Yung dried fish sinadya ko pa kunin sa Pagadian kahit sobrang higpit ng mga checkpoints going there. 'Yung budget naman is from my personal income pero I encouraged my siblings na rin para magpadala ng bigas,” ani Zulkifle.

Sa kanyang munting paraan, umaasa si Zulkifle na makatulong sa kanyang mga kabababayang pinakanangangailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.