Pag-convert sa ULTRA, Filinvest Tent bilang quarantine facilities umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:31 PM

MAYNILA - Dalawa pang pasilidad sa Metro Manila ang sinimulan nang gawin bilang quarantine facilities para sa mga pasyenteng tatamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Public Works and Highways.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sinimulan na ang pag-convert ng Filinvest Tent sa Muntinlupa City at ULTRA o PhilSports Arena sa Pasic City.

May 108 bed capacity ang Filinvest Tent, habang maaari namang tumanggap ng 156 pasyente ang Philsports Arena.

Magpapatayo ng makeshift hospital sa Philsports Arena, ayon sa DPWH, at target nilang matapos ang pagsasaayos sa ultra nang kasingbilis nang ginawa sa Philippine International Convention Center o PICC sa Pasay City.

Ayon kay Villar, malaking bagay ang public-private partnership para mai-convert ang ilan pang pasilidad bilang quarantine facilities bilang tugon sa hospital congestion at upang matiyak ang maayos na pagtutok sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Magmula Abril 15, may 5,453 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong bansa; 353 dito ang gumaling na at 349 ang bilang ng mga namatay sa sakit.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.