Nasa 4 milyon posibleng mawalan ng trabaho matapos ang lockdown: labor group

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 07:48 PM

MAYNILA — Tinatayang nasa 4 milyong Pilipino ang posibleng mawalan ng trabaho pagkatapos ng enhanced community quarantine, ayon sa isang labor group, dahil umano maraming maliliit na negosyo ang nalugi dahil sa hagupit ng COVID-19 sa ekonomiya.

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), nababahala sila sa 4 milyong manggagawa na posibleng wala nang balikang trabaho matapos ang lockdown.

"Marami pong small and micro enterprises ang nakipag-usap sa amin at sinasabi nila sa amin na mahihirapan na silang makabalik sa negosyo pagkatapos ng lockdown period dito sa Luzon dahil unang-una luging-lugi na sila. Wala silang kinita at wala silang income sa loob nang mahigit 1 buwan... Mapipilitan silang magsara o kaya ay significantly magbawas ng operation o magbawas ng manggagawa," sabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.

Paliwanag ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), mahigit 90 porsiyento kasi ng mga negosyo sa bansa ay micro and small enterprises at sila ang pinakatinamaan ng pagkalugi dahil sa lockdown.

Pero apektado rin umano ang malalaking negosyo na mapipilitan ding magbawas ng mga manggagawa.

"Kahit na kaya ng capital nila, kaya pang bumalik, ang problema baka naman 'yung mga kliyente nila, supplier nila, buyer, lahat na 'yan wala na. 'Yung supply chain mababawasan pati 'yung market. So anong gagawin mo pagkaganun, magbabawas ka," ani Sergio Ortiz-Luis, Jr. ng ECOP.

Ayon sa ALU-TUCP, malaking tulong naman ang mga ayuda ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno pero mas mahalaga pa rin ang seguridad na may babalikan pang trabaho matapos ang krisis sa COVID-19.

Panukala ng ECOP sa pamahalaan para maiwasan ang massive unemployment ay payagan nang mag-operate muli ang ibang industriya gaya ng sa pagkain at konstruksyon matapos ang lockdown.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.