‘Nahawakan namin nu’ng wala na’: Magulang ng pumanaw na sanggol 2 oras naglakad bitbit ang baby

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 10:46 PM | Updated as of Apr 16 2020 11:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Hindi na nahawakan pa nina Analyn Flores at Rodel Cañas ang kanilang bagong silang na sanggol na pinangalanan nilang Roniel matapos itong pumanaw sa pagamutan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Marso 11 nang ipinanganak si Roniel sa Rizal Medical Center sa Pasig City pero agad itong na-incubate dahil kulang sa buwan at mahina ang pangangatawan.

Noong Abril 13, matapos ang halos isang buwan, natanggap nila ang masamang balita. Namatay si Roniel sa ilang kadahilanan tulad ng pagiging premature at respiratory distress syndrome.

"Paglabas ko po ng ospital, hindi ko na po siya nadalaw dahil ganito ang panahon, lockdown . . . Bawal daw pong pumasok sa loob, dahil sa sitwasyon ngayon, tapos nahawakan namin siya noong wala na." ani Analyn.

Pahayag ni Rodel, "Paputol-putol na raw po ang hininga."

Ayon sa Rizal Medical Center, si Rodel ang nakiusap sa ospital na kuhanin ang mga labi ng anak dahil wala siyang pambayad sa punerarya.

Dahil lockdown at suspendido ang public transportation, walang nagawa ang dalawa kundi maglakad mula Pasig hanggang sa tirahan nila sa Makati City bitbit ang bangkay ng kanilang baby.

Dalawang oras silang naglakad at kalbaryo ito kay Analyn dahil Cesarean ang kaniyang delivery.

Mula alas-8 ng gabi, nakarating sila ng bahay ng alas-10 ng gabi. Di na raw sila naglakas loob pang pumara at makisakay.

"Siyempre alam din naming matatakot sila dahil sa COVID-19 pagkatapos may dala pa kaming kahon, tiniis na lang namin na maglakad," ani Analyn.

Nagpasya silang sa bakuran na lang ilibing ang anak pero nagpaalam muna sila sa barangay na naawa at gumawa ng paraan para maipa-cremate ang sanggol.

"Doon ako naantig sa sinabi niya na inilabas nila ng ospital at buhat-buhat niyang inuwi papunta sa kanilang bahay," ani Thelma Ramirez, chairman ng Barangay East Rembo.

Humingi din sila ng certificate of indigency para ibigay sa ospital na sumisingil sa kanila ng P245,000.

Nangako rin ang Barangay East Rembo na makakasama si Rodel sa special amelioration program ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.