Mga tricycle at pedicab, papayagan nang bumiyahe sa Negros Occidental kahit may quarantine

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:21 AM

Sa hangad na unti-unting maumpisahan na ang pagbalik sa normal na pamumuhay ay sisimulan na rin ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental ang gagawing adjustment sa ipinapatud na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Bago pa matapos ang ECQ sa probinsiya sa Abril 30, uumpisahan na rin ng lokal na pamahalaan ang Modified Community Quarantine (MCQ) sa darating na Abril 20.

Sa ilalim ng MCQ, papayagan na ang pamamasada ng mga tricycle at pedicab na isa sa mga pangunahing public transportation sa ilang lugar sa probinsya.

Pero lilimitahan ang kanilang pasahero. Tatlo lang ang puwedeng sumakay na pasahero sa tricycle, habang isa lang ang pasahero ng pedicab.

Ayon kay Governor Eugenio Jose Lacson, hangad nilang maibalik sa normal ang buhay ng mga tricycle at pedicab drivers.

Hindi muna papayagan ang mga jeep at bus na bumiyahe.

Hindi rin sakop ng modification ang Bacolod City.

Papayagan naman ang pag-operate ng government-based construction, restaurants at mga hardware store.

Papayagan na rin ang social gathering na hindi hihigit sa 10 tao.

Maliban dito ay magpapatuloy ang pagpapatupad ng ilang guidelines gaya ng mandatory wearing of masks sa pampublikong lugar, pag-gamit ng home quarantine pass, mall closures at border control.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.