Mga manggagawang stranded sa Boracay, nananawagan ng tulong para makauwi

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:46 AM

Watch more in iWantTFC

BORACAY, AKLAN - Pinagkakasya na lang ng mga manggagawa sa Barangay Yapak, Boracay, Malay, Aklan ang natitirang sahod para may pambili ng pagkain araw-araw. 

Mula noong buwan ng Marso, pinatigil na sila sa pagtatrabaho kaya mahigit 15 araw na silang nakatambay na lang sa isla.

Ayon sa construction worker na si Lito Bautista, mas mabuting umuwi na lang sila kahit walang trabaho, basta kapiling nila ang kanilang pamilya.

"Mas lalo kaming nahihirapan dito, wala na kaming trabaho, wala na kaming panggastos, paubos na," ani Bautista.

Naiyak na lang sa labis na pangungulila ang office staff na si Mecca Joy Saturnino dahil hindi siya nakauwi sa probinsya ng Antique bago ipinatupad and lockdown sa Boracay.

"Mahirap din kasi malayo sa pamilya, kasi 'yung anak ko lumalayo na ang loob sa'kin, tapos na-stranded ako, ito lang ang time na makakasama ko sana anak ko at asawa ko," ani Saturnino.

Hiling ng mga na-stranded sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na tulungan silang makauwi sa kani-kanilang pamilya.

"Kahit papaano nakakain naman sa binibigay ng barangay, kaso gusto ko makita anak ko at pamilya ko," ani Efrael Cagumbay, waiter.

"Sana mabigyan ng paraan kung paano makauwi," ani Cristina Arcenio.

Ayon sa Public Employment Service Office (PESO) Malay, mahigit 350 na ang nailista nilang stranded worker sa isla at hindi sila basta-basta makakauwi.

"Bawat provinces iba-iba po ang pagtanggap ng kanilang constituents, halimbawa sa Antique sa Aklan, ika-quarantine nila for 14 days," Jona Solano, PESO Malay.

Magdedepende sa mga local government units (LGU) kung papayagan nilang makapasok sa bayan ang mga manggagawa galing sa Boracay dahil mula Marso 17, isa ang nakumpirmang nagpositibo sa COVID-19 sa isla.

Ayon sa Malay LGU, may dalawa pang minomonitor na probable case sa kanilang lugar.