Kahit sadsad ang kita: Ilang resto nagbibigay pa rin ng pagkain sa frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 04:50 PM | Updated as of Apr 17 2020 09:52 PM

Pero mahina man ang kita, hindi nawawala ang kagustuhan nilang tumulong sa frontliners. Retrato mula kay Isay Reyes, ABS-CBN News

MAYNILA — Sa gitna ng lockdown na ipinatutupad sa iba't ibang bahagi ng bansa dahil sa COVID-19, maraming establisimyento ang sarado at umaaray dahil sa pagkalugi. 

Gayunman, ilang kainan ang pinayagang magbukas lalo pa't pangunahing pangangailangan ang pagkain. 

Isa na dito ang Elm’s Grill & Bar sa Barangay Poblacion, Makati City na nagbukas na noong Miyerkoles.

Ayon sa manager na si Marvin Oliva, dalawa na lang muna sila na nagpapatakbo sa kainan tutal take-out at deliveries lang ang pinahihintulutan ng pamahalaan. 

"Medyo mahina talaga eh pero kahit papaano may umo-order... Kulang pa rin eh, hindi pa rin mababawi," sabi ni Oliva. 

Pero mahina man ang kita, hindi nawawala ang kagustuhan nilang tumulong kaya nagluto sila ng adobo para sa frontliners. 

"Siyempre sila ang nagpupuyat eh. Sila ang bantay natin," sabi ni Oliva. 

Isa pa sa mga bukas na kainan ang Friends and Neighbors Restaurant para umano may mapagkakitaan kahit papaano ang crew.

"Na-lockdown din kami so para may mapadala rin kami sa families namin, nag-open na lang kami... Iyung benta talagang konti siya, hindi gaya nung dati. Konting-konti talaga kasi take-out and deliveries lang," sabi ni Salve Patriarca, crew.

Araw-araw ay nagbibigay din sila ng food packs sa mga frontliners ng mga ospital malapit sa kanila. 

Samantala, kabi-kabila rin ang pagsulpot ng online groups kung saan nakakapagbenta ng pagkain ang iba’t ibang food concessionaires. 

Nakasalalay ang tagumpay ng mga ito sa food delivery drivers na walang-tigil ang pagseserbisyo. 

"Kailangan po talaga eh, saka hindi naman po naglalalabas ang mga tao, paano po sila kukuha ng pagkain? Kaya po lumalabas po talaga kami," ani Marianne Cabain, isa sa mga nagde-deliver. 

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.