Funeral parlors na tatanggi sa mga namatay sa COVID-19 paparusahan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 01:35 PM

Maaaring masuspende o makansela ang business permit ng mga funeral parlor sa Maynila na tatangging magserbisyo sa mga pasyenteng nasawi dahil sa bagong coronavirus disease (COVID-19).

Sa ilalim ng Ordinance No. 8628, na ipinasa noong Abril 13 pero isinapubliko noong gabi ng Miyerkoles, binibigyang mandato ang mga funeral service facility sa Maynila na magbigay ng sasakyan para sa mga namatay na COVID-19 patient, positibo man o kahit na itinuturing na probable case pa lamang.

Maaaring suspendehin ang business permit ng punerarya na hindi susunod sa mandato.

Papatawan din ng multa ang mga funeral parlor na mag-overprice sa kanilang ibinebentang kabaong, at maniningil nang sobra-sobra sa cremation at iba pang burial services.

Kapag naulit ang paglabag, tuluyang kakanselahin ang business permit ng mga punerarya.

Noong Miyerkoles, umabot na sa 368 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila, kung saan 47 ang binawian ng buhay habang 31 ang gumaling, ayon sa Manila Public Information Office.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.