Duque pinagbibitiw ng mga senador dahil sa umano'y pagpapabaya, kapalpakan sa COVID-19 crisis

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 02:02 PM | Updated as of Apr 16 2020 09:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Pinagbibitiw sa puwesto ng ilang senador si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa "failure of leadership" o kabiguan nitong pamunuan ang pagtugon sa krisis bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).

Hiindi bababa sa 14 senador ang naghain ng Senate Resolution No. 362 laban kay Duque ngayong umaga ng Huwebes.

"Knowing fully well the danger posed by the COVID-19 pandemic in the beginning of the year, Secretary Duque failed to put in place the necessary precautionary measures to lessen, if not at all prevent, the impact of this health crisis," sabi sa kopya ng resolution na nakuha ng ABS-CBN News.

Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon ang mga sumusunod:

  • Senate President Vicente Sotto III
  • Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri
  • Sen. Sonny Angara
  • Sen. Nancy Binay
  • Sen. Grace Poe
  • Sen. Manny Pacquiao
  • Sen. Sherwin Gatchalian
  • Sen. Francis Tolentino
  • Sen. Joel Villanueva
  • Sen. Ronald Dela Rosa
  • Sen. Imee Marcos
  • Sen. Ramon Revilla Jr.
  • Sen. Lito Lapid
  • Sen. Panfilo Lacson

Nakalista sa resolution ang umano'y maraming kapalpakan ni Duque na siyang naging dahilan sa mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kabilang umano dito ang hindi agarang pagrekomenda noon ng travel restriction sa China, kawalan ng agarang koordinasyon sa airlines at ahensiya ng gobyerno sa contact tracing sa mga pasaherong posibleng nalantada sa 2 Chinese national na nagpositibo sa sakit, at hindi agad pag-alerto sa publiko na mayroon na palang mga pasyente sa mga ospital na nagpapakita ng sintomas ng virus.

Siningil din ng mga senador si Duque sa umano ay kapabayaan ng Department of Health na magbigay ng sapat na protective gear para protektahan ang health care workers, hindi agad pagtiyak na sapat ang stock ng testing kits sa bansa, at mabagal na proseso sa accreditation ng testing centers at pag-apruba ng deployment ng bagong medical graduations sa mga pampublikong ospital.

Kinuwestiyon din ng mga senador kung bakit sa kabila ng mababang testing sa COVID-19, pinagmalaki pa rin ng kalihim na mababa ang bilang ng infection sa bansa.

Sa ngayon, nangunguna ang Pilipinas sa buong Southeast Asia sa bilang ng COVID-19 cases, na umabot sa 5,660 ngayong Huwebes.

Sa panayam ng "TV Patrol," sinabi ni Duque na sasagutin niya ang mga paratang kapag nakatanggap ng kopya ng resolusyon.

"Aalamin natin ano ba 'yong kadahilanan na nagkaroon sila ng ganoong resulta ng kanilang assessment sa performance ko," sabi niya.

Para kay Duque, "lahat" ginagawa niya sa pagtugon sa COVID-19 kahit mahirap.

Ayon naman kay Executive Secretary Salvador Medialdea, nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag tanggalin sa puwesto si Duque, sa kabila ng panawagan ng mga senador.

"The President has made a decision for Health Secretary Duque to stay put," ani Medialdea.

"Secretary Duque was made aware of the sentiments of the Senators and the President expects him to work even harder to set aside any doubts on his capacity and sincerity to serve the public during these difficult times," dagdag ni Medialdea.

Disyembre nang unang maiulat ang virus na nagdudulot ng sakit, na sinasabing nagmula sa isang seafood market sa lungsod ng Wuhan, China.

-- May ulat nina Katrina Domingo, Arianne Merez, Pia Gutierrez, at Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.