Namigay ng relief goods sa mga nangangailangan mula sa mga karatig-barangay ang pamunuan ng isang condominium building sa Tondo, Maynila. Retrato mula kay Lilibeth Musni
Tuloy ang pagtulong ng maraming Pinoy sa mga nangangailangan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa Tondo, Maynila, namimigay ng food packs kada linggo ang pamunuan ng isang condominium building para sa mga tao mula sa mga karatig-barangay.
Ayon kay Lilibeth Musni, na nagtatrabaho sa administrative office ng Dynasty Towers Condominium, inumpisahan ang pamimigay ng tulong noong Marso 24 at balak itong ipagpatuloy hanggang matapos ang Luzon lockdown.
Matatagpuan ang naturang condominium sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue at Bambang Street.
Namigay ng relief goods sa mga nangangailangan mula sa mga karatig-barangay ang pamunuan ng isang condominium building sa Tondo, Maynila. Retrato mula kay Lilibeth Musni
Noong Abril 14, nasa 500 packs ang naipamigay ng Dynasty Towers.
Nakikipagtulungan din ang pamunuan ng condominium sa mga barangay tanod para maayos ang pamamahagi ng tulong at matiyak na nasusunod ang physical distancing, ayon kay Musni.
Isinailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine hanggang Abril 30 para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bayanihan, Maynila, Tondo, good news, enhanced community quarantine, Dynasty Towers, Dynasty Towers Condominium