Barangay Mangingisda sa Puerto Princesa City, isinailalim sa 'extreme quarantine'

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 12:31 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Isinailalim sa lockdown ang Barangay Mangingisda sa Puerto Princesa City para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.

Ito'y matapos mapag-alamang nasa 26 na mangingisdang residente ng barangay ang pumalaot at nangisda sa Iloilo.

Abril 8 nakabalik ang unang grupo sa lungsod at madaling araw naman nang Abril 14 nakabalik ang sumunod na grupo.

Iyon nga lang, huli na nang naipalaam ito sa barangay.

“Na-monitor naman natin iyon. Late nga lang dahil hindi nagsabi sa Coast Guard na galing siya sa Iloilo, galing lang daw Brgy. Langongan (Puerto Princesa City), nangisda. Pero pagkatapos naman na-trace namin, at under Person Under Monitoring sila, naka-quarantine sila ngayon sa bangka," ani ni Punong Barangay Absalon Umpad ng Barangay Mangingisda.

Bagama't hindi dumaong sa Iloilo ang mga naturang mangingisda ayon sa Coast Guard ng Iloilo, nag-iingat na rin ang barangay, upang masiguro na walang dalang COVID-19 ang mga mangingisda.

"Possibility lang lagi ang ating ine-expect. Kaya sa prevention naman talaga, hindi naman dapat natin balewalain," ani ni Umpad.

Nagsagawa ng contact tracing ang barangay. 52 pamilya ngayon ang isinailalim sa home quarantine dahil nakababa na ang mga mangingisda sa kanilang mga tahanan bago naipaalam sa barangay.

Nagpasya naman ang Puerto Princesa City Government na tuluyan nang isailalim ang buong Barangay Mangingisda sa mandatory extreme quarantine.

"Ang rekomendasyon ng incident commander ni Dr. Dean Palanca, una, mandatory extreme quarantine o lockdown ng buong Barangay Mangingisda mula April 15 hanggang April 28 dahil hindi mabilis na mave-verify kung sino yung mga nakasalamuha nung 26 na mga mangingisda,” ani ni Mayor Lucilo Bayron.

Magsasagawa ng checkpoints sa palibot ng Barangay Mangingisda at hindi na papayagan ang lahat na lumabas ng barangay.

Iniutos ng Puerto Princesa City Government sa ibang mga barangay na mag-imbestiga at ipaalam agad sa kanila kung mayroon pang mga mangingisda na nanggaling sa ibang mga lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.