2 timbog sa pagbebenta ng overpriced alcohol sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 02:24 PM

Inaresto noong Miyerkoles ang 2 lalaki sa Quezon City dahil sa umano ay pagbebenta ng overpriced na alcohol, sabi ng pulisya.

Sa ulat, kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga suspek bilang sina Jeffrey Morales at Rey Narrido.

Nahuli ang mga suspek sa entrapment operation sa Jonah Street, Barangay Batasan Hills bandang alas-5:20 ng hapon, ayon sa NCRPO.

Ikinasa umano ng mga tauhan ng NCRPO, Quezon City Police District, at Criminal Investigation and Detection Group ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa mga suspek, na nagbebenta online ng isopropyl alcohol sa presyong mas mahal sa suggested retail price.

Nasa P220 ang benta ng mga suspek sa kada litro ng alcohol kahit P137.50 ang SRP na ipinataw ng Department of Trade and Industry, ayon sa pulisya.

Nabawi sa mga suspek ang mga bote ng alcohol at boodle money, na may kabuuang halaga na P22,000, sabi ng NCRPO.

Paglabag sa Price Act ang kasong haharapin umano ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.