Seguridad, tulong ikinakasa sa pagsisimula ng Holy Week 'exodus'

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumaragsa ngayong Martes Santo ang mas maraming pasahero na uuwi sa mga probinsiya sa Semana Santa sa mga expressway, terminal, at mga pantalan. 

Sa tantiya ng pamunuan ng Araneta Center Bus Terminal, aabot sa 7,500 ang bilang ng mga pasaherong dumagsa sa terminal ngayong Martes. 

Inaasahan din ang paglobo nito sa Miyerkoles, lalo't huling araw ito ng trabaho para sa ilan, ayon kay Ramon Legazpi, manager ng Araneta Center Bus Terminal. 

"Expected by tomorrow 'yung dagsa na ng pasahero considering it's the last day of work so expected natin na karamihan ng mga uuwi ay bukas talaga nakalaan so between seven to eight thousand," ani Legazpi. 

May iilan nang nagsisiksikan sa terminal kasabay ng init ng panahon. 

May mga nagpasya ring sumakay sa Araneta Bus Port gaya ng pamilya ni Neme Bohol, na unang beses sasakay ng bus papuntang Tacloban. 

"Parang kagaya lang din siya ng airplane," aniya. 

Patuloy din ang pag-iikot ng mga security guard, mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency, at Metropolitan Manila Development Authority para mapanatiling maayos ang seguridad sa lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

NLEX HANDA NA PARA SA MIYERKOLES SANTO 

Bagaman maluwag pa at hindi pa nararamdaman ang inaasahang dagsa ng mga motorista sa North Luzon Expressway, nakaramdam Martes ng umaga ng pagbigat sa daloy ng trapiko sa bahagi ng tollway. 

Samantala, naglatag na rin sila ng mga plano para sa Miyerkoles Santo sakaling bumuhos na ang mga motorista sa araw na iyon. 

Aabot sa 700 teller at patrol officers ang ipapakalat sa NLEX at sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) para paigtingin ang traffic management at koleksiyon ng toll. 

Tututukan din ng pamunuan ng NLEX ang Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Tarlac, San Miguel, at Tipo toll gates sa mga kritikal na oras simula Miyerkoles hanggang Lunes. 

Sinuspende rin ang mga road repair mula pa noong Abril 12 hanggang Lunes. 

Itatayo rin simula Miyerkoles ang mga motorist camps sa mga gasolinahan kung saan may libreng tawag, WiFi, tubig, basic mechanic services, at first aid. 

May magdamagang towing services naman para sa mga Class 1 vehicles - na kinabibilangan ng mga kotse, taxi, jeepney, van, at mga motorsiklo - mula alas-6 ng umaga ng Miyerkoles hanggang alas-6 ng umaga ng Lunes. 

Makikita na rin anila ang real-time na trapiko sa pamamagitan ng Facebook Live. 

Watch more in iWant or TFC.tv

SEGURIDAD INILATAG SA MGA PIER

Itinaas naman sa "heightened alert status" ang seguridad sa lahat ng pier ng bansa ngayong Semana Santa. 

Sa Batangas Pier, nagdagdag ng security measures gaya ng pagbubukas ng bagong main gate para sa mga walk-in na pasahero. 

Mano-mano ring iniinspeksiyon ng Philippine Coast Guard ang mga maliliit na bagahe sa pantalan. 

Tatlong layer din ng inspeksyon ang daraanan ng mga sasakyan bago makasampa sa barko. 

Muling ipinaalala ng mga awtoridad na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit kabilang na ang mga hayop, hilaw na karne, at meat products na walang kaukulang papeles. 

May kani-kaniya ring inspeksiyon ang Philippine Drug Enforcement Agency sa Cebu port at mga bus terminal sa Baguio. -- Ulat nina Zandro Ochona, Jeck Batallones, at Mariz Laksamana ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.