Sasakyang may kargang gulay, tumaob sa Commonwealth; mag-asawa, sugatan

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 04:50 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang mag-asawa matapos banggain ng trak ang kanilang sinasakyang AUV sa Commonwealth, Quezon City Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, papuntang Commonwealth Market ang AUV na may kargang gulay nang mabangga ng trak alas-11 ng gabi.

Nag-U-turn umano ang trak at nabangga ang likurang bahagi ng AUV. Tumakas ang trak at hindi naplakahan.

Nagkalat sa kalsada ang mga bubog at mga gulay na sakay nito kaya nagdulot ito ng pagsikip ng trapiko.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.