Nanay, 4 iba timbog sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 04:48 AM

MAYNILA - Arestado ang 5 katao sa buy-bust operation sa Barangay Tagumpay, Quezon City Lunes ng gabi.

Narekober sa mga suspek ang nasa P50,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Police Lt. Col. Jeffrey Bilaro ng Quezon City Police District (QCPD) Station 8, ang babaeng suspek ang source ng droga at isinasama pa umano nito ang mga batang anak sa transaksiyon.

"May front silang minors, kasama nila 'yun para hindi paghinalaan o mahuli," aniya.

Depensa ng suspek, wala lang umano siyang mapag-iwanan sa mga bata. Giit din niya, hindi siya nagtutulak.

Napag-alaman din ng pulisya na kasabwat ng mga suspek ang isang taxi driver na siya umanong naghahatid ng droga.

"Hindi ko po sila kilala. Pinara lang po ako. Sumakay sila sa akin," depensa nito.

Mahaharap ang mga naaresto sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.