Mga kandidato sa Davao region, nagsuko ng mga armas

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 12:31 AM

DAVAO CITY - Umabot na sa mahigit 500 ang mga nakumpiskang loose firearms mula sa 113 operasyong ng pulisya sa Davao Region.

Simula ika-13 ng Enero hanggang ngayong Abril, umabot na sa 513 ang kabuuang bilang ng mga armas na nasa pangangalaga ng pulisya. 

Siyamnapu't anim dito, galing sa mga kumakandidatong alkalde, konsehal, at board member sa darating na halalan.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Region 11 Regional Director Police Brigadier General Marcelo Morales, boluntaryong isinuko ng mga kandidato ang kanilang armas na expired na ang lisensya at walang license to own and possess.

"Ang mga nahulian dito karamihan ay mga checkpoint operations, na talagang nagbabakasali na makalusot sila sa nilatag natin na security measures, and we also have intelligence driven operations na alam namin na sino yong mga tao based sa information base sa records na hawak namin na nagmamay-ari na hindi lisensyado na baril," paliwanag niya.

Bukod sa mga armas, nakumpiska rin ng pulisya ang mga bala at pampasabog.

Nasa 142 na ang naaresto at nakasuhan, habang 16 ang napatay sa mga police operation.

Dagdag ni Morales, may mahigit 2,000 pang loose fire arms ang kinakailangang ma-recover ng pulisya.

Nagpapasalamat din ang kapulisan sa ibinigay na kooperasyon ng mga kumandidato na isuko ang kanilang hindi lisensyadong armas Dahil malaking tulong ito para maiwasan ang posibleng kagulohan sa darating na halalan.

"We can not guarantee, but we will do our best para magkaroon tayo safe and secure elections this is one way doing our job para ma- makabawas tayo sa possible violence na mangyari and to show the people na mga candidates natin na cooperative din sila sa program sa kapulisan at program sa Comelec (Commission on Elections) na sumusunod sa batas," aniya.

Pagmumultahin ng pulisya ang mga nagmamay-ari ng armas kabilang na ang mga kandidatong bigong nagpa-renew ng lisensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.