PatrolPH

Mayoral bet sa Maguindanao, 2 iba pa arestado dahil sa loose firearms

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 06:10 PM | Updated as of Apr 17 2019 12:48 PM

Mayoral bet sa Maguindanao, 2 iba pa arestado dahil sa loose firearms 1
Inaresto si Datu Salibo ABC President Zailon Guinomla Abdulwaris matapos na masamsam sa kaniyang bahay ang mga baril, bala at isang granada. Larawan mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao

COTABATO CITY – Arestado ang isang kandidato sa pagka-alkalde ng Datu Salibo sa Maguindanao at dalawang iba pa sa isang police operation laban sa loose firearms sa lungsod na ito, Lunes ng madaling araw.

Pasado alas-4 ng madaling araw nang magsagawa ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ng search warrant operation kaugnay sa paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition sa Bagua Dos sa nasabing lungsod.

Target ng operasyon si Zailon Guinomla Abdulwaris na incumbent ABC President ng Datu Salibo, Maguindanao at tumatakbo rin sa pagka-alkalde ng bayan.

Naaresto rin sa operasyon ang dalawang lalaking kasama ni Abdulwaris.

Nakuha sa bahay ni Abdulwaris ang dalawang baril, samu't saring mga bala at isang granada.

Tumanggi magbigay ng pahayag ang nahuling opisyal na nakatakdang sampahan ng kasong illegal possession of firearms and ammunition at explosive.

Sa tala ng CIDG, ang probinsya ng Maguindanao ang may pinakamaraming bilang ng private armed groups sa bansa na nasa 63 at may hawak umano ng humigit-kumulang na 1,100 loose firearms.

Ang operasyon ng awtoridad ay kaugnay sa Oplan Paglalansag Omega ng CIDG o kampanya ng ahensya kontra loose firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.