Lalaki nakuhanan ng P250,000 shabu sa Dipolog City

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 12:20 AM | Updated as of Apr 16 2019 01:48 AM

DIPOLOG CITY, Zamboanga del Norte - Arestado ang isang 26 anyos na lalaki matapos siyang makuhanan ng ilang pakete ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Dipolog City Sabado.

Sa loob ng nirentahang kuwarto sa isang lodging house naaresto ang suspek na si Ritchie Sultan.

Ayon kay Police Lieutenant Kent Gudmalin, chief intelligence officer ng Dipolog City Police Station, noong nakaraang taon pa nila minomonitor ang suspek na palipat-lipat ng lugar sa pagtutulak.

“Actually dati na noong 2018, top 3 natin siya sa ating high value target sa drugs namomonitor na palipat-lipat siya ng lugar di lang Dipolog City siya nag-e-stay, pumupunta siya ng Ipil, Zamboanga tapos balik siya ng Sindangan hanggang dito sa Dipolog," aniya.

Bukod sa nabiling P500 shabu kay Sultan, nakumpiska rin ng mga operatiba ang limang malalaking pakete ng ilegal na droga at lima pang maliliit na pakete na aabot sa halagang P250,000.

Itinanggi naman ng suspek na sa kaniya ang mga nakumpiskang droga.

Ikalawa na si Sultan sa mga umano'y tulak ng droga na naaresto sa siyudad ngayong buwan.

Haharap siya sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.