Duterte, hinimok patigilin ang pagkasira ng Scarborough coral

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Niloloko lang ng Tsina ang Pilipinas.

Ito ang pahayag ng maritime law expert na si Jay Batongbacal matapos makita ang video ng pagkasira ng mga coral o bahura ng Scarborough Shoal dahil sa patuloy na paghukay ng taklobo o giant clam ng mga barkong may tatak ng Tsina. 

Sinabi na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain ito ng diplomatic note. Pero di na raw ito sapat; dapat raw pahintuin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paninira sa bahura ng China, ayon kay Batongbacal. 

"Malinaw na niloloko lang ang taumbayan ng China at ng pamahalaan din," ani Batongbacal, direktor ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.

"Ang nangyayari pala ay habang nangingisda tayo sa labas, sinisira 'yong loob ng bahura kaya ngayon bagsak ang huli ng isda," dagdag niya. 

Ibinahagi rin ni Batongbacal sa ABS-CBN News ang mga larawang kuha ng satellite na nagpapakita ng unti-unting pagkasira ng bahura.

Sa kuha noong 2009, makikitang wala pang tinatamong pinsala ang bahura. 

Kapuna-puna ang pagiging uka-uka ng bahura sa kuha noong 2014 at mas lalo pang dumami ang mga ito sa larawan noong 2016.

Sa tantiya ni Batongbacal, may 500 ektarya na ng bahura ang nasisira.

Samantala, sa isang pahayag sa Twitter, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na kahuhuli lang nila kamakailan sa China na naghuhukay ng taklobo.

Kaya naghain umano ang DFA ng "diplomatic note" at nagbabalak ng legal na hakbang laban sa China. 

Pero ayon kay Batongbacal, hindi sapat ang mga hakbang ng DFA.

"Dapat ngayon, lalo at pupunta doon si President Duterte sa Beijing, dapat niyang ipakita na totoong pinoproteksiyunan niya ang taumbayan. Kailangan ipatigil niya 'yan," ani Batongbacal.

Lilipad papuntang China si Duterte para sa Belt and Road Forum for International Cooperation. 

Sang-ayon naman ang Palasyo sa hakbang ng DFA lalo at mali umano ang ginagawa ng China.

"It is our territory, therefore, it is an affront to our territory and to our sovereignty," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Pero ayon din kay Panelo, nauunawaan din daw nila ang mga ginagawa ng China sa karagatan.

"China, as far as it is concerned, it owns the vast South China Sea, hence, logically, it will be performing acts of ownership or sovereignty over those areas," ani Panelo.

"As far as we are concerned, that is ours so we would be objecting to any intrusion into our own territory," dagdag niya.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa nangyayaring malawakang pagkuha ng mga giant clam sa Scarborough Shoal.

Hindi lang daw ito banta sa giant clams kundi sa marine ecosystem sa lugar. --Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.