3 college students, timbog sa pagbebenta ng ‘damo’

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 12:11 PM | Updated as of Apr 16 2019 02:13 PM

Kulong ang inabot ng 3 estudyante na nahuling nagbebenta ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Urdaneta City sa Pangasinan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

URDANETA CITY, Pangasinan – Tatlong estudyante sa kolehiyo ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod noong Biyernes.

Arestado ang 20-anyos na maritime student nang bentahan nito ng pinatuyong dahon ng marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa lungsod.

Nang siyasatin ang kaniyang backpack, natagpuan doon ang isang bundle ng dried marijuana at tatlo pang ziplock na puno ng pinatuyong dahon din ng ‘damo’.

Agad namang nagkasa ng follow-up operation laban sa kaniyang supplier na mga estudyante rin.

Dito na naaresto ang mag-nobyo na 23-anyos na mga estudyante rin nang bentahan ng 8 ziplock ng marijuana ang poseur buyer.

“Through social media, luckily kumagat sa pain, gamit ng kotse sa loob nagkaroon ng transaction,” paliwanag ni Police Lt. Col. John Guiagu, hepe ng Urdaneta City Police.

Nakumpiska rin mula sa compartment ng ginamit na kotse ng mga suspek ang mga naka-repack na marijuana na itinago sa loob ng shoe box.

Tinatayang aabot sa 50,000 ang halaga ng ilegal na droga na nakuha mula sa kanila.

Napagalaman din ng pulisya na sa Baguio City kinukuha ng mga suspek ang kanilang suplay ng marijuana na ibinebenta naman sa kapwa estudyante.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa kanilang mga eskuwelahan para masugpo ang paglaganap ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.