2 naibentang agila, nabawi na ng DENR

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 11:42 AM

Ibinenta ang serpent eagle sa halagang P5,000 habang P8,000 naman sa hawk eagle na kapwa inakay pa. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY – Nasa kustodiya na ng Department of Environment and Natural Resources ang dalawang inakay na agila na unang naibenta ng hindi pa tukoy na lalaki.

Ihinatid ni Police Staff Sargent Conrad Waperi III sa tanggapan ng DENR ang mga agila na umano’y ibinigay sa kaniya ng kaibigan nakabili sa mga ibon.

Inakala umano nito na manok panabong ang inilalako ng isang lalaki. May kamahalan umano ang bili sa mga ito pero hindi na pinansin ng kaniyang kaibigan dahil sa awa sa mga inakay na pwedeng mamatay sa init ng panahon lalo’t hindi kalsada ang natural nitong tahanan.

Mula umano sa Initao, Misamis Oriental ang mga agila. Ibinenta ng P5,000 ang serpent eagle, habang P8,000 naman ang hawk eagle.

“Yung pagkakakuha daw noon, tinitirador ang parent ng eagle tapos inakyat ng bata yung pugad bago kinuha 'yung sisiw,” sabi ni Wapiri.

Iimbestigahan ng DENR ang nakabili upang maituro nito ang lalaking nagbenta sa kaniya ng mga inakay. 

Balak nilang kasuhan ang nagbenta sa paglabag ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

“Yung wildlife ‘di mo pwedeng ibenta o alagaan ng walang Certificate of Wildlife Registration (CWR) mula sa DENR,” sabi ni Wildlife Department chief Aisah Pacote.

Pansamantalang aalagaan ng DENR ang mga inakay sa isang CWR holder sa lungsod bago ibalik sa gubat kapag malalaki na ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.