PatrolPH

P10-M halaga ng 'shabu' nasamsam ng PDEA sa Marawi, Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 08:18 PM

P10-M halaga ng 'shabu' nasamsam ng PDEA sa Marawi, Cotabato City 1
Arestado ang 4 indibidwal sa magkahiwalay na buy-bust operation na ikinasa ng PDEA-BARMM sa Marawi at Cotabato City. Retrato mula sa PDEA-BARMM

MARAWI CITY — Arestado ang 4 indibidwal sa magkahiwalay na buy-bust operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Marawi at Cotabato City.

Unang nahuli noong Miyerkoles ng hapon ang magnobyo na target ng operasyon matapos mabilihan ng ilegal na droga ng mga awtoridad sa Bgy. Matampay.

Kinilala ang mga inaresto na sina Ating Pundogar, 47, at nobya nitong si Norhatah Bonsalagan, 48.

Sampung malalaking pakete na may lamang umano'y shabu na aabot sa 1 kilo ang nakuha mula sa mga suspek.

Aabot umano sa P6.8 milyon ang halaga nito.

Huwebes ng umaga naman ay 2 babae ang nahuli sa parking lot ng isang fast food restaurant sa Makakua Street sa Cotabato City.

Kinilala silang sina Elena Daud, 34, at Sarah Parok, 40.

Aabot sa 511 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.47 milyon ang nasamsam sa kanila.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

—Ulat ni Chrislen Bulosan 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.