Mga nurse mula Butuan, Davao ipinadala sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 12:15 PM

Tumulak pa-Maynila noong Abril 14, 2021 ang mga nurse mula sa Department of Health Davao Regional Office para tumulong sa COVID-19 response doon. Retrato mula kay Ivy Jane Pantonial

Nagpadala ng mga nurse sa Metro Manila ang Department of Health sa Davao region at isang ospital sa Butuan City para tumulong sa pagtugon sa COVID-19 surge sa capital region.

Napuno ng mga pasyente at nagkulang ng health workers ang mga ospital sa Metro Manila kamakailan dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

Limang volunteer nurse ang ipinadala noong Miyerkoles ng Department of Health Davao Regional Office, at maa-assign sila sa San Lazaro Hospital sa Maynila hanggang Mayo 14, 2021.

Hinimok ng lokal na DOH ang iba pang mga doktor, nurse at medical technologist na mag-volunteer bilang dagdag na health worker sa Kamaynilaan.

Apat na nurse naman ang ipinadala ng Manuel J. Santos Hospital sa Butuan, na bumiyahe noong Miyerkoles.

Kabilang ang 4 na nurse sa 8 nurse na ipinadala noong nakaraang taon sa Maynila para tumulong sa Our Lady of Lourdes Hospital.

Ito na ang ikalawang beses na nagpadala ng mga nurse sa NCR ang Manuel J. Santos Hospital.

Nauna nang nagpadala ng 50 health workers sa Metro Manila ang Cebu City para tumulong sa pagtugon sa COVID-19 surge.

— Ulat nina Hernel Tocmo at Charmane Awitan

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.