Lalaking 'most wanted' sa Maynila timbog sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 07:03 PM

MAYNILA — Timbog noong Martes ang isang lalaki sa San Jose Del Monte, Bulacan na wanted sa lungsod ng Maynila simula pa noong 2018. 

Sa video na kuha ng mga taga-Manila Police District (MPD) Station 4, makikitang hindi na nakapalag si Johnrey Mellivo nang palibutan ng mga pulis sa Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte City.

Ayon kay Police Capt. Philipp Ines, matagal nang pinaghahanap ang 39 anyos na si Mellivo na 2018 pa may warrant of arrest dahil sa kasong qualified theft. 

Dahil sa pagiging mailap, naging most wanted person na siya ng MPD.

Nakakuha ng impormasyon ang mga pulis na nagtatago siya sa Bulacan kaya agad ikinasa ang operasyon. 

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang lalaki. 

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.