PatrolPH

Bahagi ng Boracay isinailalim sa surgical lockdown dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 12:45 PM

BORACAY — Isinailalim sa 2 linggong surgical lockdown ang isang bahagi ng Boracay island simula hatinggabi ng Huwebes dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 doon.

Base sa utos ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, iiral ang surgical lockdown sa Zone 1 ng Barangay Yakap hanggang Abril 29, 2021 matapos makapagtala ng 6 dagdag na kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng surgical lockdown, maglalagay ng mga checkpoint sa lugar at magpapatupad ng mas agresibong contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga positibo sa sakit.

May curfew rin mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Maaari namang mapaikli ang lockdown, depende sa magiging resulta ng swab test ng mga close contact ng mga nagpositibo sa virus, sabi ng lokal na pamahalaan.

Ipinatupad ang lockdown isang araw matapos alisin ang enhanced community quarantine sa Barangay Balabag at surgical lockdown sa 2 zone sa Barangay Manocmanoc sa Boracay, na dahil din sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Sa pinakahuling case bulletin, 10 ang bagong kaso ng COVID-19 sa Boracay, kasama ang 6 na taga-Barangay Yakap.

Kasalukuyang may 46 active COVID-19 cases ang Malay para sa kabuuang 189 kumpirmadong kaso, ayon sa case bulletin.

— Ulat ni Rolen Escaniel

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.