Babaeng miyembro umano ng Abu Sayyaf, tiklo sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2021 10:41 PM

PATIKUL, Sulo — Timbog ng pulisya noong Miyerkoles ang isang babaeng itinuturong miyembro umano ng Abu Sayyaf Group (ASG) at wanted sa kasong kidnapping noong 2018. 

Nahuli sa Bgy. Bangkal, Patikul ang suspek na si Nur Aina Basaluddin Alihasan matapos matunton ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Mindanao Field Unit. 

Ayon kay Police Col. Ronald Lumactod, public information officer ng PNP-AKG, isang "hard core member" ng ASG si Alihasan sa pamumuno umano ng kaniyang asawa na si Ben Tattoo, na sub-leader naman ng grupo na nag-o-operate sa Indanan at Patikul sa Sulu. 

Isinasangkot si Alihasan sa pagdukot sa 2 pulis noong 2018.

Isinasangkot din umano siya sa iba pang kidnapping cases sa Patikul, Jolo, Sulu. 

Naging spotter, food supplier, at medical aide din umano ng ASG ang suspek.

Nakakulong na ang suspek sa Sulu Provincial Jail.


—Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.