Tren ng PNR, hinarang sa Calamba dahil sa quarantine

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 03:41 AM

Bahagyang nagkasagutan ang ilang volunteer na mga bantay at tauhan ng Philippine National Railways (PNR) nang dumaan ang isang tren at harangin ito sa isang barangay sa Calamba City, Laguna nitong Lunes.
 
Paglilinaw ni Calamba Mayor Timmy Chipeco, naglagay sila ng checkpoints sa riles para maparalisa ang pagbiyahe ng mga may-ari ng trolley sa lugar.
 
“Pinadadaan naman ang train, 'yung harang na yun was intended sa mga trolley, mga ginagamit sa riles ng mga tao. Ang problema hindi talaga namin pinapayagang pumasok kase quarantine. Kung hindi namin gagawin yun we will be violating the quarantine provisions," ani Chipeco.
 
Sinabi ng pamunuan ng public order and safety office (POSO) ng Calamba na umiiral sa mga kalapit na bayan ang checkpoint sa riles. Matagal na umanong sinuspinde ang biyahe ng tren dahil posibleng maging sanhi ito ng pagkalat ng COVID-19.
 
“Kasi po we practice the enhanced quarantine so may mga checkpoints po tayo. Ang operation ng train stations ay suspended," ani Jeffrey Rodriguez ng POSO-Calamba.
 
Paliwanag ng PNR sa POSO-Calamba, nagsagawa lang sila ng mechanical survey at wala namang pasahero. Hindi na umano nito kailangang magpa-alam sa barangay o LGU dahil may right of way sila rito.
 
“Right of way po nila yan at wala kaming karapatang humingi ng permit," ani Rodriguez.
 
Pagkalipas ng ilang minutong di pagkakaintindihan, pinadaan ng mga bantay sa checkpoint ang tren.