PNP-HPG, paiigtingin ang paghuli sa mga motoristang lumalabag sa lockdown

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 05:48 AM

Light traffic along EDSA amid the enhanced community quarantine on April 4, 2020. Gigie Cruz, ABS-CBN News/file

Mag-iikot simula ngayong Miyerkoles sa EDSA at sa mga ibang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang mga motorized units ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HGP) para sitahin ang mga motoristang hindi awtorisadong bumiyahe sa ilalim ng enhanced community quarantine. 

Ayon kay HPG director police Brig, Gen. Eliseo Cruz, titiketan nila ng ordinance violation receipt o OVR ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga mahuhuli dahil sa paglabag sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force. Aabutin ng P5,000 ang multa.

Tanging mga frontliners at empleyado ng mga kompanyang nagbibigay ng mga mahahalagang serbisyo na may exception sa quarantine ang palulusutin ng HPG. 

Tututukan nila ang mga motorista sa highway na bumibiyahe sa labas ng kanilang tinitirhang siyudad. 

Ayon kay Cruz, inutusan sila ng PNP Directorate for Operations na paigtingan ang paghuhuli kasunod ng mga ulat na dumarami ang mga bumibiyaheng pribadong sasakyan sa Metro Manila sa kabila ng lockdown. 

Nakabantay pa rin ang HPG sa 8 checkpoints papasok at palabas ng Metro Manila mula Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite, kaya nakatoka sa motorized units ang pag-iikot. 

Nakikipag-ugnayan din ang HPG sa Land Transportation Authority para sa dagdag na otoridad sa paghuhuli nila ng mga lumalabag na motorista.