Pagdura sa mga pampublikong lugar bawal na sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 12:55 PM

Maaari nang makulong at pagmultahin ang mga taong mahuhuling dumudura sa mga pampublikong lugar sa Muntinlupa.

Ito ay matapos aprubahan noong Lunes ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi ang Ordinance 2020-089 o ang Anti-Spitting and Anti-Littering Ordinance of 2020, na isa umanong hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

"Since COVID-19 is mainly transmitted through contact or respiratory droplets which can last for a few days on surfaces, we are passing an ordinance penalizing hazardous societal habits that are considered as public nuisances and potentially exposes other persons to COVID-19," sabi ni Fresnedi.

Kabilang sa mga maaaring mahuli ang mga taong mahuhuling dumudura ng laway, plema at iba pang substance mula sa bibig.

Maaari ring hulihin ang mga sisinga sa mga pampublikong lugar.

Sa ilalim ng ordinansa, paparusahan din ang mahuhuling nagtatapon ng personal protective equipment sa mga pampublikong lugar.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay maaaring makulong ng hanggang 6 na buwan at pagmultahin ng P5,000.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang publiko na kumuha ng retrato o video ng mga paglabag sa ordinansa.

Bukod sa Muntinlupa, ipinagbawal na rin ang pagdura sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.