Mas pinaigting na checkpoint ipatutupad sa nalalabing 2 linggo ng lockdown

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 04:32 PM | Updated as of Apr 15 2020 09:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Mas hihigpitan na ng mga awtoridad ang pagpapatupad sa enhanced community quarantine sa Luzon sa nalalabing 2 linggo nito, ayon sa grupong namamahala sa tugon ng gobyerno sa COVID-19 crisis. 

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, na tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte daw galing ang utos na mas istriktong pagpapatupad sa lockdown.

Kapansin-pansin daw kasi na tila naging kampante na ang mga Pinoy at patunay daw nito ang 108,088 naitala ng Philippine National Police (PNP) na lumabag sa home quarantine protocol hanggang nitong Abril 13.

Dahil dito, simula ngayong Miyerkoles ay inatasan na ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) na mag-inspeksyon sa mga pribadong sasakyan at tingnan kung ang drayber at pasahero ay nasa listahan ng Authorized Persons Outside of Residence o APOR. 

Kung wala sila sa listahan, mag-iisyu ang HPG ng tiket laban sa drayber.

"Kung mapansin niyo po, humihigpit ang ating mga pulis sa mga checkpoint sa ating mga barangay, sana po intindihin natin na magiging effective lang ito... kung tayo ay hindi basta-basta na lang nakakaikot at nakakalabas," ani Nograles.

Muling binigyang diin ni Nograles na ang mga dapat lumalabas lang ng bahay ay iyung mga kasama sa exemptions ng IATF kabilang ang medical and health workers, mga empleyado ng mga essential services, mga frontliners, at iba pa.

"This is all being done for us and our families in order to prevent the virus from spreading. We appeal to everyone to please cooperate and, as much as possible, stay home," sabi nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.