Ilang COVID-19 survivors dumaing sa 'pahirapang' reimbursement sa PhilHealth

Warren de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 05:23 PM | Updated as of Apr 15 2020 05:54 PM

MAYNILA — Umaaray ang ilang Pinoy na naka-survive sa COVID-19 pero nahirapan naman makalabas ng pagamutan dahil sa laki ng kanilang inilabas na pera kahit pa abot sila sa libreng gamutan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Labindalawang araw ang confinement ni alyas "Jane" sa isang pribadong ospital dahil sa COVID-19, at umabot ang bill niya sa lagpas P100,000.

Pero kampante si Jane dahil sa pangako ng PhilHealth na sasagutin nito ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga may COVID-19 hangang Abril 14. 

Pero nagulat si Jane nang kinailangan pa niyang magbayad ng halos P66,000 bago ma-discharge. Ayon sa ospital, wala pa raw kasing guidelines ang PhilHealth para sa COVID-19 payments, kaya pasyente muna ang sasagot at sila na lang ang magre-reimburse mula sa ahensiya.

"Instead of March 29 makalabas ako, hindi ako makapag-discharge sa hospital kasi hindi ko mababayaran kaagad. March 30 pa kasi nagpadala ng pera 'yung parents ko," sabi ni Jane.

Ang perang pinadala ng magulang ni Jane, gagamitin sana para sa pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya, lalo na’t ngayon ay walang kita dahil sa enhanced community quarantine. 

Sinisikap ni Jane na ipa-reimburse ang pera sa PhilHealth agad-agad, pero hangang ngayon ay wala pang perang dumarating. 

"Na-discharge na, and still wala pa rin silang ibinibigay na patakaran kung paano ma-reimburse, paano na ang mga tao na ito? Mag April 15 na, may panibago nang scheme na parating, eh 'yung nauna ay hindi pa nila nababayaran," sabi ni Jane.

Sagot ng PhilHealth, mapapabilis na ang proseso ng reimbursement dahil nailabas na sila ng guidelines ukol sa COVID-19 benefits. 

Ang kinatatakutan naman ng isa pang COVID-19 patient na si Radito Dizon, pati asawa at anak niya ay nahawa rin.

Mahigit P100,000 rin ang inabot ng bill ng pamilya Dizon, kahit ang asawa lang niya ang na-confine sa ospital. 

"Ang sabi sa akin, up to this time wala pang binibigay na maayos na memo sa kanila. Tsaka ang sabi sa akin, kung ma-reimburse 'yun, it might take 3 to 6 months. Kasi ganon magbayad ang PhilHealth sa kanila sa regular na sistema," ani Dizon. 

Pero paliwanag ng PhilHealth, nakalagay sa batas na hindi puwedeng lumampas sa 60 days ang reimbursement, basta't kumpleto ang requirements. 

"PhilHealth is bound by law to process and pay claims within 60 days upon receipt of complete claims. If admitted from February 1 to April 14, it is full reimbursement," sabi ng ahensiya sa isang pahayag.

Ayon sa isang doktor sa pribadong ospital, talagang lumolobo ang gastusin kapag severe o kritikal ang COVID-19 patient.

Kadalasan kasi ay kailangan ilagay na ang mga ito sa intensive care unit.

"On the average probably the cost per day would be P200,000 for eleven days, average length of stay," ani Dr. Christian delos Reyes mula sa The Medical City.

Aabot sa P30 bilyon ang inilaang halaga ng pondo ng PhilHealth para sa tugon nila sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.