Grace period sa pagbabayad ng bill ng mga apektado ng quarantine posibleng pahabain

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 09:42 PM

Watch more in iWantTFC

Pinag-aaralan na ng mga awtoridad kung ilang buwan ang ibibigay na palugit sa pagbabayad ng singil sa kuryente at tubig kapag natapos ang enhanced community quarantine.

Ayon sa Energy Regulatory Commission, posibleng pahabain ang grace period sa pagbabayad ng bill na apektado ng quarantine.

Pumayag na rin umano ang mga distribution utilities na huwag nang i-adjust ang bill deposit ng kostumer at tanggalin ang ilang charge.

"Mayroon mga humihingi ng 6 na buwan, masyado yatang mahaba 'yon. May mungkahi na gawing 4 na buwan, may 3 buwan," ani ERC Chairperson Agnes Devanadera.

May nilinaw naman ang mga kooperatiba sa mga probinsiya ukol sa kanilang Pantawid Liwanag, na maglilibre ng singil sa kuryente ng mga 50 kilowatt hours pababa ang konsumo.

"Most of the 121 electric cooperatives ay hindi kaya ang 50 [kilowatt hours]," ani Presley de Jesus, pangulo ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc.

"What we did was ang simulation namin, ang average is around between 20 to 30 kilowatt hours per month ang aming ibibigay," aniya.

Pinag-aaralan din ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office kung puwedeng pahabain ang grace period, at pagtanggal ng penalty at surcharges sa hindi makabayad ng water bill.

Habang wala pang pasya, tiniyak naman ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na walang mapuputulan ng tubig sa gitna ng enhanced community quarantine.

"Alam po natin importante ang tubig, kailangan nating maghugas ng kamay," ani Ty.

Sa telecommunication naman, 6 na buwan ang installment na pagbabayad sa bill ng PLDT, Smart, at Sun na naipon hanggang Abril 30, na walang interes at penalty.

Maaaring tingnan ang mechanics ng pagbabayad sa websites ng mga kompanya.

Nasa 30 araw naman ang extension para bayaran ang April 30 bill sa Globe post paid at broadband.

Isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon para mapabagal ang pagkalat ng bagong coronavirus disease (COVID-19).

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.