COVID-19 rapid test mahalaga pero tiwala sa resulta mababa pa: Infectious disease expert

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 03:54 PM

MAYNILA - Malaking tulong ang magagawa ng rapid antibody test kits sa mga taong gumaling na mula sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) para malaman kung may immunity na sila laban sa virus, ayon sa isang infectious disease expert nitong Miyerkoles.

"Mas important siya sa mga taong nag-recover na, kasi 'pag yung tinatawag na IgG antibody ay positive, ibig sabihin ang isang tao ay immune na sa COVID-19 dahil nagkaroon na siya ng COVID-19," pahayag ni Dr. Edsel Salvaña sa panayam sa kanya ng DZMM.

"So, pwede yun maging basehan nung immunity certificate... pwede na silang magtrabaho, at hindi sila mahahawa," dagdag niya.

Pero, paliwanag ni Salvaña, mababa ang kumpyansa ng health authorities sa rapid antibody test kung ang pakay sa paggamit nito ay malaman kung may COVID-19 ang isang tao. Sang-ayon ito sa kasalukuyang posisyon ng Department of Health.

Noong Lunes ng gabi, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng rapid antibody test kits upang magamit sa bansa sabay ng polymerase chain reaction (PCR) test kits.

Ayon kay Salvaña, ang rapid test ay maihahalintulad sa pregnancy test, pero dugo ang ginagamit para ma-detect kung naka-develop na ang katawan ng antibodies laban sa virus.

"Maraming laganap ngayon na lateral flow assays. Yung problema is hindi pa ito naba-validate nang maayos. Sabi ng WHO (World Health Organization), dahan-dahan sa paggamit ng rapid test dahil sa kanilang unang pag-aaral, marami dito sa rapid test na ito ay very inaccurate, mali yung ibinibigay na data," sabi niya.

Nais muna aniya ng awtoridad na ma-validate ito bago gamitin nang mas malawakan. Kung gamitin man ito sa ngayon para maka-detect ng COVID-19, dapat sundan ng PCR test.

Paliwanag ni Salvaña na sa ginagamit ngayong PCR test, ang dine-detect dito ay ang genetic material ng virus at kakailanganin ng specialized na laboratoryo na may biosafety level 2 para suriin ito. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing na "gold standard" ang PCR test kits para sa COVID-19.

Mas matagal nga lang ang pagkuha ng resulta ng PCR tests, na umaabot mula 24 hanggang 48 hours, kumpara sa 15 hanggang 30 minuto nung sa rapid test.

"Yung PCR ang tinatawag na preferred test para dito. Yung rapid test, 'di pa naba-validate nang maayos. So initially kailangan pa talaga munang i-validate ito bago gamiting stand alone test," ani Salvaña.

"The bottomline, meron talagang role ang antibody test lalong-lalo na doon sa nakapag-recover na, o nagkaroon ng bahagyang sakit. Ang problema sa ngayon, 'di natin alam kung totoo ang sinasabi ng rapid test."

Nakapagtala na ng 5,223 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Pilipinas, ayon sa DOH nitong Martes. Kasama sa bilang ang 335 na nasawi, habang 295 naman ang mga gumaling na.