150 huli sa paglabas ng bahay sa na-shutdown na Manila barangay

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 01:49 PM | Updated as of Apr 15 2020 09:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nasa 150 tao mula Barangay 20 sa Tondo, Maynila ang hinuli ng mga awtoridad dahil sa paglabas ng kanilang bahay sa kabila ng umiiral na total shutdown sa lugar.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 2 bandang alas-3 ng hapon ngayong Miyerkoles, umabot na sa 150 ang nahuling lumabag sa shutdown sa barangay, na ipinatupad ni Mayor Isko Moreno matapos mahuling may nagsasagawa ng boxing at bingo sa lugar.

Dinala ang mga nahuli sa Tondo Sports Complex at papakawalan naman bandang gabi ng Miyerkoles, ayon kay MPD Station 2 commander Lt. Col. Magno Gallora Jr.

Ang ibang residenteng nahuli ay nangatuwiran na pauwi sila ng kanilang mga bahay galing sa trabaho nang maaresto. Wala rin umanong alam ang iba sa kanila na may shutdown.

Ayon kay MPD director Rolando Miranda, dapat ay napaghandaan ng mga residente ang total shutdown matapos itong inanunsiyo noong gabi ng Lunes.

Tanging mga health worker, pulis, sundalo, at iba pang miyembro ng frontline services lang ang pinapayagang lumabas ng kanilang mga bahay sa barangay.

Kung may kailangan ang residente, tulad ng pagbili ng gamot o pagkain, dapat makipag-ugnayan ang mga ito sa barangay, sabi ni Miranda.

Sinamantala rin ng Manila Health Office na bisitahin ang barangay.

Natukoy ng Manila Health Office ang 7 residente na hinihinalang may COVID-19. Sa bilang na ito, 5 ay dinala sa Delpan quarantine facility habang ang iba ay inabisuhan na mag-self-isolate dahil hindi nagpapakita ng sintomas.

-- Ulat nina Lady Vicencio at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.