7-taong gulang na bata sa Zamboanga del Sur, gumaling sa COVID-19

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 06:17 PM | Updated as of Apr 15 2020 06:45 PM

Zero-case na ngayon sa coronavirus disease 2019 ang probinsiya ng Zamboanga del Sur matapos gumaling ang kanilang pangatlong pasyente mula sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Jesrel Himang ng Zamboanga del Sur Task Force COVID-19, natanggap ng Department of Health Regional Office 9 nitong Lunes ang pangalawang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test ng 7 taong gulang na lalaki na taga-Dumalinao kung saan nagnegatibo na ito sa virus.

"Malaking pasalamat ng ating mga COVID warriors, ng ating medical doctors na nasa isolation area, dahil successful yung naging treatment nila sa bata at nagnegatibo na ito sa pangalawang confirmatory test. So ang bata ngayon ay kinuha na ng kaniyang pamilya at dinala na sa Dumalinao," ayon kay Himang.

Bagamat nakauwi na sa kanilang bahay sa munisipyo ng Dumalinao, ay inabisuhan pa rin ng mga doktor ang mga magulang ng bata na mag-home quarantine nang 14 na araw.

Dagdag ni Himang, masaya at excited ang bata nang makalabas sa ospital at makita ang kaniyang pamilya matapos ang higit dalawang linggong naka-isolate sa ospital.

Bukod sa bata, nagnegatibo din sa RT-PCR test ang ina nito na itinuring din na probable case ng COVID-19.

May travel history ang bata at pamilya nito sa Iligan City, kung saan may naiulat ding mga kaso ng COVID-19.

Marso 23 nang magpakonsulta sa ospital ang bata dahil sa sintomas nito na lagnat at ubo.

Pero nakalabas din ito agad sa ospital makalipas nang dalawang araw.
Abril 1 naman nang matanggap ng Department of Health Regional Office 9 ang resulta ng kaniyang unang RT-PCR test mula sa Research Institute for Tropical Medicine.

Noong nakaraang linggo naman nakalabas sa Zamboanga del Sur Medical Center ang isang medical doctor at sundalo ng 1st Tabak Division matapos gumaling mula sa COVID -19.

Pero ayon kay Himang, bagamat wala nang kaso ng COVID-19 ang probinsya, magpapatuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

May 10 pa suspect at probable case ng COVID-19 na naka-admit ngayon sa Zamboanga del Sur Medical Center.

Ilan dito ay nasa kritikal ang kondisyon.

"Actually, bago lang nagpalabas ng memorandum ang ating governor, indefinite naman kasi ang unang EO na inissue niya, indefinite yun. So may nagtatanong kasi, kasi yung iba nagbaba na sila ng community quarantine from enhanced, so sa ngayon, hindi natin ibinaba, hindi tayo dapat mag-kompiyansa kasi nga marami pa tayong PUI," giit ni Himang.

Nagdagdag pa ang provincial government ng bed capacity para sa mga COVID-19 related patients. Ito'y matapos mapuno ang kanilang isolation facility dahil sa mga suspect at probable cases na naka-admit ngayon sa ospital.

Higit 30 na pasyente ang pwedeng i-accommodate sa bagong bukas na pasilidad sa Zamboanga del Sur Medical Center.

Sa buong Western Mindanao, 4 na ang gumaling mula sa COVID-19.

Umaabot na din sa 11 ang kumpirmadong kaso, walo dito ay mula sa Zamboanga City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.