2 'online scammer' arestado sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 04:41 PM | Updated as of Apr 15 2020 10:08 PM

MAYNILA — Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City ang 2 lalaki na kabilang umano sa sindikato ng mga online scammer.

Sa entrapment operation sa Novaliches, hinuli ng NBI Cybercrime Division si Jayson dela Cruz matapos umanong bumili ng mga bank account sa halagang P500.

Ginagamit nila ang mga aktibong bank account para i-transfer at itago doon ang mga nanakaw na pera sa mga scam para hindi sila matiktikan ng mga awtoridad.

Inaresto rin ang itinuro niyang kasabwat na si Kelvin Marmolejo na pinagbebentahan niya ng mga nakuhang bank account.

Ayon sa mga suspek, kumikita sila ng P200,000 kada buwan.

Nakita sa nakumpiskang cellphone ng mga suspek ang video kung saan tinuturuan ang mga kasabwat kung paano magkunwaring tagabangko sa mga e-mail at phone call para makakuha ng pin code at detalye ng mga biktima, at makuha ang laman ng mga bank account ng mga ito.

Nakita naman sa laptop ng mga suspek ang na-hack na database kung saan nakalagay ang e-mail address at mga detalye ng mga mabibiktima.

Kulong ang 2 suspek sa kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act at Bayanihan Act.

Ayon kay NBI officer-in-charge Eric Distor, mainam na makipag-usap sa bangko mismo sa halip na makipagtransaksiyon sa mga tumatawag o nagpapadala ng e-mail.

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, naalarma rin sila nang malamang may mga taong nagbebenta ng kanilang ATM at bank account para kumita.

May 60 reklamo nang natanggap ang NBI Cybercrime Division mula noong magsimula ang Luzon lockdown, kung saan higit P6 milyon na ang natatangay sa mga biktima, ayon kay Lorenzo.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.