2 lalaki patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Negros Island

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 09:18 PM

Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga lalawigan ng Negros Oriental at Negros Occidental nitong Martes.

Patay ang 52 anyos na construction worker sa bayan ng Zamboanguita sa Negros Oriental matapos pagbabarilin Martes ng tanghali.

Sakay ng kaniyang minamanehong motorsiklo ang biktimang si Odilon Capino nang mangyari ang pamamaril. Papunta sana ito sa pinagtatrabahuhang resort sa Barangay Poblacion.

Sa imbestigasyon ng Zamboanguita Police, hindi alam ng biktima na sinusundan siya ng gunman na nakasakay din sa motorsiklo.

Tinabihan siya ng gunman at pinagbabaril ng ilang beses hanggang sa namatay. Nakatakas ang gunman na naka-helmet nang maganap ang pamamaril.

Samantala, patay rin sa pamamaril ang tagagapas ng tubo na si Joseph Lumanog sa bayan ng Calatrava, Negros Occidental Martes.

Sakay ng trak na may kargang tubo si Lumanog kasama ang apat na iba pa nang harangin sila ng limang armadong tao.

Ayon sa hepe ng Calatrava Police na si Police Capt. Eugene Tolentino, pinababa sina Lumanog at pinadapa.

Isa-isa silang tinanong nang kanilang pangalan. Agad na binaril sa ulo si Lumanog matapos itong sumagot.

Pinatakas naman ang apat pang kasamahan ng biktima.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang dalawang insidente ng pamamaril.

- ulat nina Nico Delfin at Mark Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.