2 kagawad, 8 iba pa tiklo sa paglabag sa quarantine protocol sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 12:42 PM

Sampu ang arestado kabilang ang dalawang barangay kagawad sa Villasis, Pangasinan matapos umanong lumabag sa enhanced community quarantine protocol sa lungsod. 

Galing sa Batancaoa sa bayan ng Urbiztondo ang mga kagawad. 

Bukod sa 2 kagawad, arestado rin ang isang magsasaka, laborer, at office staff, maging ang limang accounting staff at auditor na pawang mga taga-Pangasinan. 

Ayon sa Villasis PNP, sinundo ng dalawang kagawad ang grupo na galing Metro Manila. 

Sumakay sila sa nirentahang van at bumaba sa bahagi ng Tarlac - Pangasinan - La Union Expressway (TPLEX) at naglakad papuntang Rosales. 

Naharang ang grupo, na natuklasang walang quarantine ID o kaya travel pass. 

Planong sampahan ng kasong serious disobedience, paglabag sa quarantine protocol at kasong administratibo ang dalawang kagawad, ayon kay Pangasinan police director Police Col. Redrico Maranan. 

Kakasuhan din ng paglabag sa quarantine protocol ang 8 iba pang naaresto, at isasailalim sa medical checkup para malaman kung may sintomas sila ng COVID-19. 

Naka-enhanced community quarantine ngayon ang buong Luzon, na kinabibilangan ng Pangasinan, ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.