'Oplan Huli Week': Mga bus driver, konduktor isinalang sa drug test

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 09:49 AM | Updated as of Apr 15 2019 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Isinalang sa mandatory drug testing nitong Lunes Santo ang mga konduktor at driver ng bus na bibiyahe ngayong Semana Santa.

Isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang "Oplan Huli Week" drug test sa 18 lugar, kabilang ang Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

Sa 42 driver at konduktor sa Araneta Center, wala umanong nagpositibo.

Pero sa ibang bus terminal, mayroong nagpositibo, ayon kay PDEA spokesperson Derrick Carreon.

Hindi papayagang bumiyahe ang sinumang magpopositibo sa drug test at kukuhanin ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang lisensiya, ani Carreon. 

Isasailalim pa sa laboratory test ang mga nagpositibo para makumpirma kung sila ba ay gumamit ng ilegal na droga.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nagkasa rin ang LTO at pulisya sa Baguio City ng drug test para sa nasa 300 bus driver ng lungsod. Sakaling magpositibo, masusupende ang mga ito sa trabaho. 

Nagsagawa rin ng surprise drug test ang PDEA sa mga driver, konduktor, at dispatcher ng bus sa Davao City Overland Transport Terminal. -- May ulat nina Zandro Ochona at Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.