Opisyal ng PNP sa Baguio, inireklamo ng pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 09:48 PM

MAYNILA - Arestado ang hepe ng Intelligence Unit ng Baguio City Police Office sa isang entrapment operation sa Barangay Azco, Baguio City Lunes ng hapon.

Ayon sa ulat mula sa pulisya, nakatanggap sila ng reklamo laban kay Police Lt. Col. Allan Docyogen matapos umano nitong mangikil.

Ayon pa sa nagreklamo, hiningian siya ng P200,000 ni Docyogen matapos siyang arestuhin sa kasong robbery sa Lucena City. Kapalit ng pera, hindi na umano siya aarestuhin ulit para sa iba pa niyang kaso.

Nakapagbigay na ng P47,000 ang biktima kay Docyogen noong ika-12 ng Abril. Napagkasunduan nila na ibibigay ang natitirang balanse ngayong Abril 15 pero ibinaba na lamang sa P50,000 ang ibabayad kay Docyogen.

Nakuha mula kay Docyogen ang marked money. 

Nasa kustodya na ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang suspek habang inihahanda ang kaniyang haharaping kaso. - ulat mula kay Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.