No. 1 sa barangay drug watchlist sa Tondo, patay sa engkuwentro

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 07:49 AM

MANILA -- Patay ang number 1 sa drug watchlist ng Barangay 117 sa Tondo, Maynila matapos umanong manlaban sa mga pulis, Linggo ng gabi. 

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng sumbong ukol sa pagbebenta ng droga ni Marvin Arsenio sa kanto ng Mata at Dahlia Street. 

Umakyat umano sa bubong si Arsenio at pinaputukan ang mga pulis habang tumatakas. 

Umabot ang habulan sa isang eskinita, kung saan pumasok sa loob ng bahay si Arsenio at nasukol. 

Talamak ang pagbebenta ng droga ng suspek sa Tondo, sabi ng mga imbestigador. 

Nitong nakaraang buwan, naging target siya ng police operation pero hindi naaresto matapos kuyugin ng mga residente ang mga pulis.

Nakuha sa bangkay ni Arsenio ang isang kalibre .45 na baril at nasa P30,000 halaga ng shabu. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.