Lalaki tiklo sa panghoholdap ng Grade 9 student

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 07:46 AM

MANILA -- Inaresto ang isang 30-anyos na lalaki matapos mangholdap ng isang Grade 9 student sa Barangay 178 sa Camarin, Caloocan, Linggo ng gabi. 

Pauwi na sana ang binatilyong si alyas Jay makaraang maghatid ng case ng softdrinks sa kapitbahay sa Guyabano Street nang tutukan siya ng patalim ng suspek na nagdeklara ng holdap. 

Tinangay ng kawatan ang P500 ng biktima at tumakas. 

Nakahingi naman ng saklolo ang estudyante sa kaniyang tiyuhin at mga pulis, dahilan para agad maaresto ang suspek. 

Napag-alaman na walang trabaho ang suspek. Nakuha sa kaniya ang umano'y pera ng biktima at isang tactical knife.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.