Lalaki patay, 30 iba pa sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Isabela

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 08:25 PM

SANTA MARIA, Isabela - Patay ang isang magsasaka habang sugatan ang 30 iba pang mga pasahero sa karambola ng tatlong sasakyan sa Barangay Naganacan sa bayan ng Santa Maria, Isabela Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawi an si Virgilio Danga na tubong Tuao, Cagayan. Binawian siya ng buhay habang ginagamot sa ospital. Siya ang nagmamaneho sa kuliglig na nasangkot sa aksidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng sasakyang minamaneho ni Jerome Wangdali ang kalsada. Hindi nito napansin ang sinusundang kuliglig kaya niya ito nabangga.

Dumiretso ang sasakyan ni Wangdali sa kabilang linya at sinalpok naman nito ang gulong ng paparating na pampasaherong bus.

Sumabog ang gulong ng bus hanggang sa natumba ito.

Nasugatan sa insidente ang halos 30 pasahero ng bus. Ligtas naman ang dalawang drayber ng bus, habang sugatan rin si Wangdali.

Nakalabas na sa ospital ang karamihan sa mga pasahero na nagtamo ng minor injuries.

Ayon pa sa pulisya, walang reflector sticker ang kuliglig at madilim ang kalsada dahil walang street lights.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.