Chinese arestado sa pagdukot ng kababayan

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 06:39 PM | Updated as of Apr 15 2019 09:34 PM

Naaresto noong gabi ng Linggo ang isang Chinese na umano ay miyembro ng casino loan shark syndicate matapos dukutin ang kapuwa Chinese.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gabi ng Linggo nang matagpuan ng mga nagpapatrolyang pulis ang biktimang si Ai Wu Yong, 27, na nakaposas at naglalakad sa kalye sa Kawit, Cavite.

Itinuro ng biktima ang bahay sa isang subdivision sa Barangay San Sebastian kung saan uamano siya nakatakas matapos dukutin ng mga kapuwa Chinese sa Pasay City.

Naabutan sa lugar at dinampot ng mga awtoridad si Teddy Lim, na isa sa 5 Chinese na umano ay dumukot sa biktima.

Hindi umano nakabayad ang biktima sa mga dumukot sa kaniya ng P200,000 na inutang at P20,000 na interes kada araw matapos matalo sa sugal.

Pebrero nitong taon nang magsimulang upahan ng mga Chinese ang nasabing bahay.

Kilala na ng mga pulis ang 2 sa 4 pang suspek na tinutugis.

Inihahanda na rin ang kasong kidnapping laban sa kanila.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.