P2.5-milyon na 'shabu' nasamsam sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 01:29 PM

Makikita sa larawang ito ang mga pakete ng umano'y droga na nakuha sa Magalang, Pampanga. ABS-CBN News

MAGALANG, Pampanga - Nakumpiska ang nasa P2.5 milyon na halaga ng hinihinalang shabu mula sa isa umanong drug courier sa bayan na ito, Linggo ng madaling-araw.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng Philippine Drug Enforcement Agency ang bahay ng suspek sa Sitio Bliss, Barangay San Vicente, kung saan narekober ang nasa kalahating kilo ng shabu.

Nakuha rin doon ang ilang baril, bala at drug paraphernalia.

Ayon sa mga imbestigador, isang beses kada linggo kumukuha ang suspek ng droga mula sa Maynila at ibinibiyahe ito pa-Mindanao.

Limang taon nang naninirahan sa lugar ang suspek, pero hindi umano alam ng mga kapitbahay ang ilegal nitong gawain.

Nahaharap ang suspek sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.