‘Most wanted’ ng Cavite City, arestado sa Surigao

Fred Cipres at Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 12:24 AM

Arestado ang most wanted person ng Cavite City sa ikinasang buy-bust operation at paghahain ng arrest warrant sa Surigao City Sabado ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Ronald Black Francisco, alyas "Kap Onat," dating chairman ng Barangay 30, Cavite City.

Ayon sa paunang ulat, ikinasa ng Cavite Police Station Drug Enforcement Unit at CIDG-TFU Surigao del Norte ang buy-bust operation sa Barangay Sabang, Surigao City. 

Isang police poseur-buyer ang bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P500 mula sa suspek. Inihain din ang warrant of arrest para sa kasong murder laban sa suspek. 

Nakuha mula kay Francisco ang isang kalibre-.45 na baril at 3 bala nito, 8 sachet ng hinihinalang shabu, at buy-bust money.

Napag-alaman na kabilang sa high-value target ng Cavite ang suspek at siya rin ang leader umano ng isang gun-for-hire group na umano'y nag-o-operate sa buong probinsya ng Cavite. 

Samantala, nasakote ng awtoridad ang ika-7 sa most wanted personalities ng Malolos Police sa Barangay Caingin, Malolos Sabado ng gabi.

Sa bisa ng isang arrest warrant na inilabas ng Caloocan Regional Trial Court Branch 126, hindi nakapalag si Frederick Lopez na nahaharap sa kasong robbery hold-up.

Ayon kay Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos Police, ang suspek ay napag-alamang nasa likod ng kaso ng panghoholdap hindi lamang sa Caloocan kundi pati na rin sa Malolos.

Nirekomenda ng korte ang P100,000 piyansa para sa suspek.

Sa Malabon City naman, arestado ang ika-5 sa most wanted personalities ng lungsod na si Jerald Enrie Rapis dahil sa kasong frustrated homicide.

Naaresto si Rapis sa kaniyang tinutuluyan sa Barangay Maysilo sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Malabon Regional Trial Court.

Pansamantalang nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng naturang istasyon ng police habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.