Higit 50 nasaktan sa pagbangga ng bus sa puno sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 04:50 PM | Updated as of Apr 16 2018 01:51 PM

Nayupi ang harapan ng isang bus na bumangga sa puno. ABS-CBN News

NABUA, Camarines Sur - Bahagyang nasugatan ang mahigit 50 pasahero matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang bus sa puno ng acacia sa Baragay La Opinion sa bayan na ito, Linggo ng umaga.

Ayon sa driver, bumangga siya sa puno matapos iwasan ang isang truck sa kaniyang harapan na nagtangkang mag-overtake sa isa pang sasakyan.

Sa lakas ng pagbangga sa puno, nabasag ang windshield ng Silver Star bus at halos umangat ang mga upuan nito.

Makikita sa larawang ito ang pinsala sa loob ng bus. ABS-CBN News

Tatlo sa mga nasugatang pasahero ang nananatili sa ospital habang tumuloy na ng biyahe ang iba patungong Maynila.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver na nagpapagaling din mula sa sugat sa ulo mula sa pagtama sa salamin ng bus. -- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.