PatrolPH

Dalagita patay sa pananaksak umano ng tiyuhin sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2022 03:43 AM

Larawan mula Vintar PNP
Larawan mula Vintar PNP

Patay ang isang 14-anyos na babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang tiyuhin sa sa bayan ng Vintar, Ilocos Norte, Martes ng hapon.

Ayon sa hepe ng Vintar Police na si Pol. Maj. Reginaldo Dalipias, naglalakad ang biktima pauwi sa kaniyang bahay nang sinalubong at kinompronta siya ng kanyang tiyuhin sa Barangay 15 hanggang pagsasaksakin siya nito. 

Pinapauwi umano ng suspek ang dalagita pero ayaw nitong umuwi hanggang sa pinuntahan na ng suspek ang biktima sa tinuluyan nitong tiyahin sa kalapit na barangay. 

Nagtamo ng sugat sa iba't-ibang bahagi ng katawan ang biktima partikular sa kaniyang tainga, leeg, kili-kili, dibdib, at mga kamay. 

Sinaksak din ng suspek ang sariling tiyan matapos niyang saksakin ang dalagita.

Isinugod ang dalawa sa ospital kung saan idineklarang dead-on-arrival ang biktima. Nagpapagaling pa sa ospital ang suspek. 

Ayon kay Dalipias, nitong Linggo, nagtungo ang biktima sa mga pulis para isumbong ang suspek dahil umano sa pananabunot nito at panghahawak ng dibdib ng dalagita. Ikinagalit umano ito ng suspek.

Nasampahan na ng kasong murder ang suspek.—Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.