Truck sumalpok sa 7 concrete barrier sa EDSA-Ortigas

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 07:03 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Nagkalat ang mga tipak ng semento sa EDSA sa bahagi ng Ortigas, Pasig City matapos mabangga ng isang truck ang hilera ng mga concrete barrier sa northbound lane ng highway Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Leo Tobias, driver ng truck, galing sila ng Pateros para kumuha ng mga kahon ng balut na kanilang ibebenta sa bayan ng Santa Maria, Bulacan.

Binabaybay nila ang EDSA kaninang mag-aalas 4 ng madaling araw nang makatulog umano sila habang paakyat ng Ortigas flyover.

Sumalpok ang truck sa halos 7 concrete barrier sa kalsada.

Maswerteng hindi nasugatan si Tobias at kaniyang kasamahan. Hindi rin nabasag ang kanilang mga dala na nakasilid sa halos 40 kahon sa likod ng truck.

Nahatak paalis mula sa EDSA ang truck habang naitabi na rin ang mga nagkalat na tipak ng semento para iwas disgrasya sa iba pang mga motorista.

Marami na ang naiulat na sumalpok sa mga concrete barrier sa EDSA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.