'Indoor marijuana plantation' sa isang hotel, sinalakay sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 10:24 PM

Kuha ng Cauayan City Police

Nadiskubre ng mga awtoridad ang taniman ng marijuana sa loob ng isang establisiyimento at isang paupahang bahay sa Cauayan City, Isabela nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa umano’y “indoor marijuana plantation” ilang buwan na ang nakararaan.
 
“Binantayan din namin ng ilang buwan. After validation, nag-apply kami ng search warrant at positive iyong operation,” ani Gamboa.
 
Sa bisa ng search warrant, hinalughog ang isang hotel sa Barangay Nungnungan II kung saan nasamsam ang humigit-kumulang 700 gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P84,000. 

Nakakumpiska rin sila ng mga marijuana seed, seedling tray, mga paso, gayundin ng iba’t ibang mga kagamitan sa pag-aalaga at pagpapatuyo ng marijuana. Nakarekober din doon ng mga bala ng kalibre .45 at kalibre 9mm na baril.

Arestado ang target ng operasyon na umano’y namamahala sa hotel.

Sinalakay din ang kaniyang inuupahang bahay sa Barangay District 1 kung saan nakakuha rin ng humigit-kumulang 1 kilo ng pinatutuyong dahon ng marijuana, isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 5 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 3 paso na may marijuana seedling, portable digital weighing scale at iba pang kagamitan tulad nang nakumpiska sa hotel.

“Nagtatanim talaga siya doon, mga various equipment na ginagamit sa growing saka sa drying of marijuana plants. Nakapag-ani na siya e, pero merong naiwan na maliliit pa,” ani Gamboa.

Inaalam na ng awtoridad kung kanino ibinebenta ng suspek ang mga marijuana, pero sa inisyal na pagsisiyasat ay nakikipagtransakyon umano ito online. 

Inihahanda na ang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa suspek na itinuturing ngayon na high-value-target.--Ulat ni Harris Julio

MULA SA ARKIBO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.